Nagbibilugang tiyan ng mga Kabataan: Kalipunan ng mga kuwento ng mga Batang-ina sa Mariveles, Bataan
- pascuajeromevincen
- Jul 2, 2021
- 3 min read
Updated: Jul 9, 2021

Hindi sukat akalain na sa kabila ng paglobo ng kaso nang nagkakaroon ng sakit sa gitna ng pandemya ay sumabay ang paglaganap ng mga kabataang maagang nabubuntis.
Sa murang edad ng pagdadalang tao ay tila maaga ring namulat sa katotohanan ng buhay, dala-dala ang mga pagsubok na kailangan kaharapin sa pang araw-araw na pakikipaglaban. Bitbit ang responsibilidad na nakaatang sa kanilang likuran at mga paang wari baga ay nasa hukay na.
Saksi ang mga tala sa lumalaking bilang ng mga batang- ina na nagkakaroon na ng supling. Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO), sa isang taon, tinatayang 12 milyong kabataan ang nabubuntis sa buong mundo. At, tinatayang 777,000 sa mga ito ay nasa edad 15 taong gulang pababa. Nahaharap tayo sa katotohanang isa ang bansang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy sa Asya.


Nakabilanggo na sa isang malaking obligasyon.
Matiyagang naghihintay si Marjorie Lazada, 20, kasama ang kaniyang isang taong gulang na anak sa iuuwing pagkain ng kaniyang asawa sa kanilang tahanan. Hindi hadlang para sa kaniya ang pagkakaroon ng anak kaya naman ipinagpapatuloy niya ang pag-aaral sa tulong ng Alternative Learning System (ALS). Si Marjorie ay nagmula pa sa Caloocan at kalaunan ay lumipat ito sa Bataan nang siya ay mabuntis, dito ay gumawa sila ng barung-barong upang may matirahan.


Naglahong mga pangarap. Maingat na kinakalong ni Veronica Matilla, 20, sa ilalim ng kainitan ng araw ang kaniyang mag-iisang taong gulang na anak sa gilid ng iskinita sa Barangay ng Ipag. Hindi na nakatungtong ng Senior High School si Veronica dulot ng kakulangan sa pera. "Mahirap ang buhay kaya tumigil muna ko sa pag-aaral... Saka nabuntis ako last year sa kalagitnaan ng quarantine nung October." Katulad ng naging karanasan ni Veronica, maaga rin nagkaroon ng supling ang kaniyang panganay na kapatid.


Desisyon sa maling panahon. Tulak- tulak ni Generose Alvarez ang maliit na sasakyan sakay ang lima at pitong taong gulang na anak kasama ang kaniyang pamangkin upang sila ay malibang sa Sitio Naswe, Mariveles, Bataan. Siya ay nagtapos lamang ng Grade 5 sa elementarya at nabuntis si Generose noong siya ay labing-walo. Umaasa siya sa kakaunting kita ng asawang mangingisda. "Matagal na kaming nakatira dito, eight years na kami ng asawa ko."


Pang habang-buhay na pasanin. Buhat-buhat ni Fredalyn Diocton, 19, sa labas ng kanilang bahay ang kaniyang anak na isang taong gulang na. Siya ay nagtapos lamang Grade 8 at wala na rin siyang balak na ipagpatuloy pa ang pag-aaral dahil sa nakaatang na mga responsibilidad. Pangingisda rin ang pangunahing ikinabubuhay ng kaniyang asawa.


Problema nga ba o isang biyaya? Kabuwanan na sa Hulyo sa pangalawang anak ni Joelyn Buenaventura, 22, kaya naman paggamit nalang ng Facebook ang madalas niyang pinagkakaabalahan. Labing-pito noong siya ay mabuntis at hanggang ngayon ay hindi pa sila kasal ng kaniyang asawa. Hindi pa rin nabibinyagan ang kaniyang panganay na anak dahil sa hirap ng buhay. Pagsubok para sa kanila ang pagkain ng tatlong beses sa isang araw sa kadahilanang pangingisda lamang ang trabaho ng kaniyang mister.


Kapit lamang ng mahigpit.
Sa tapat ng isang tindahan sa squatters area sa Sitio Naswe ay buhat ni Mary Joy Bacsal ,17, sa kaniyang bisig ang walong-buwan na anak. Sa pamamasada ng asawa sila kumukuha ng pangkain sa araw-araw. Sila ay wala pang sariling bahay kaya sa kaniyang magulang muna sila tumutuloy. Nalalapit na rin ang pagtatapos ni Mary Joy ng pag-aaral sa ALS.



Maagang binugbog ng realidad.
Taimtim na binabantayan ni Mary Grace Diocton, 17, ang kaniyang natutulog na dalawang taon na anak. Kauuwi lang ng kaniyang asawa galing pamilihang bayan upang magbenta ng mga nahuling isda. Labing-lima pa lamang noong una siyang makipagtalik. Nakapagtapos siya ng elementarya ngunit hindi na ipagpatuloy pa ang pag-aaral sa high school. Matagal nang informal settler sila Mary Grace sa kanilang lugar.
Bachelor of Arts in Journalism-2A
Maraming mga posibleng rason sa paglaganap ng maagang pagbubuntis sa mundo. Lagi't laging isaisip na sa bawat kilos na ating gagawin ay laging may kaakibat na obligasyon at responsibilidad. Nagkamali man sa desisyong ginawa, hindi ibig sabihin nito na dapat na tayong tumigil. Kailanman ay hindi mali ang magmahal, hangga't alam natin ang ating limitasyon at hindi rin mali ang magbuntis, ngunit dapat alam natin ang tamang panahon para dito. May tamang pagkakataon para sa lahat, huwag tayong magmamadali at laging pangangatawanan ang kahihinatnan ng napiling desisyon sa buhay.
Likha at mga larawang kuha ni: Jerome Vincent De Leon Pascua Bachelor of Arts in Journalism-2A
Gear: Nikon D7200
Photo Editor Used: Adobe Lightroom
Date Published: July 02, 2021





Comments